Ang Damdamin ay ang Espiritu
Ni Amangpintor (10/31/2008)
Ang lahat ng bagay sa sanlibutan ay binubuo ng pisikal, espiritu at kaluluwa. Ang tao o mga bagay na gumagalaw at may buhay ay may katawan, damdamin at isipan.
"nakakalikha ako ng obrang sining sa mga sandaling ako ay malungkot o maligaya" sa mga sandaling ito nangingibabaw ang pwersa ng damadamin kaysa sa isipan. Ang damdamin ang kasalukuyang dumidikta sa gagawin ng isip. Ang damdamin ay ang espiritu na siyang bumabalot sa buong kaluluwa o isipan.
"Ang espiritu ng sanlibutan ay nandiyan na, hindi madaragdagan at hindi nababawasan. Ni hindi mahawakan, ni maaninagan na tila alon na taglay ng animoy katas o dagta"
Ang (damdamin o espiritu) rin ang siyang nagtuturo at humahabi sa (isipan o kaluluwa) mula sa pagsilang o muling pagsilang hanggang sa huling oras ng buhay.
Kalimitan sa buhay, ang isip ay natututo base sa nakikita at nararanasan sa kapaligiran, kadalasan ding nalilimutang pakinggan o makinig sa sariling damdamin. Kalimitan rin na mas malakas ang dikta ng isip sa damdamin.
"bago ako magpinta, pumipikit muna ako sa isang sulok habang nakaupo at pilit na pinapasakop ang aking isipan sa aking damdamin" sa sandaling ito mas nagagawa ang obrang sining ayon sa dikta ng damdamin na ipinapagawa sa isip. Mas lumulutang ang kahulugan ng likhang sining dahil halos dumidikit na rito ang espiritu at kaluluwa ng gumawa.
Ang Pag-ibig ay ang kapangyarihang taglay ng epsiritu, bumabago sa systema ng buhay at gamot sa sugat ng kaluluwa. Ang pag-ibig ay taglay na bawat espiritu, subalit parang tuldok ito sa simula, umuusbot at lumalaki sa katagalan ayon sa karanasan ng espiritung may taglay nito at sa tulong ng kaluluwa kung ito ay may buhay.
"Sa pagpanaw maiiwan ang katawan at kaluluwa at magkasamang maglalaho sa pinagtubuan, habang ang espiritu naman ay babalik sa pinagmulan at muling maglalakbay upang humanap ng muling pagbubuhayan"
Tuwing papanaw ang may buhay, ang isipan ay kasama ng katawan na malilibing o bumabalik sa pinanggalingan na kung saan gawa ang katawan at hindi na muling mabuhay o depende sa ninanais ng Lumikha, ang damdamin naman ay siyang umaalis sa katawan at naglalakbay sa kalawakan na nakararating sa ibat-ibang solar sytem o panahon, naghahanap ng nilalalang na muling pagsasalinan para muling mabuhay sa ibang katauhan. Subalit sa huling pagsilang na ito ay depende sa nagawa sa nakaraang buhay, parusa at impiyerno kung maging bato o walang buhay dahil siglo o matagal bago ito pumanaw at muling isilang.
Ang pagsilang ay ang muling pag-anib ng damdamin / espiritu sa isang bagay, may pagsilang bilang bato subalit walang magagawa ang damdamin nito at magmistulang kulungan ang sariling katawan, lalaya lang ito sa pagpanaw ng katawan.
"kinakalabit ng pag-ibig ang aking dugo kaya lumulukso. Sa wakas natagpuan ko na ang pilosopiya ko, ang katauhan ko at pagkakaisa ng kaluluwa ko at ng aking espiritu", espiritung sumasanib sa kaluluwa tuwing isinisilang. Tama, ang damdamin ay ang espiritung nagpapasalin-salin, naglalakbay at kaylan man ay hindi maglalaho.