Details
Lingkod-Sining + sakripisyo x panata = Lingkod ng bathala
(by Amangpintor  11/22/2009)

2009 na ngayon, dalawampung taon na pala lumipas mula ng una kong nilunok ang aking hiya upang mag-alok na mag-painting exhibit sa aking paaralang Saint Andrew`s School sa bayan kong Pantabangan. Pagkalipas ng tatlong taon, sinundan yon ng muling paglunok ng hiya at pagpipilit na payagang mag-Exhibit sa isang silid doon sa Munisipyo - salamat kuya richard A. sa pangungumbinsing-tulong.

Nagpatuloy, sa kabila ng kasabihang “Hindi ka kikilalanin o makikilala sa sarili mong bayan”.

Tuloy ang exhibit, sa una’y hiya, subalit inalo ng mga taong naniniwala sa aking adhikain. Adhikaing ipakilala ang bayan sa pamamagitan ng yaman nitong kasaysayan at yamang-kuwento na kilala na, na mula sa bibig ang aming ninuno.

Layunin ko noon kung bakit kailangang mauna kong ipakita ito sa aming bayan ay para ipaalam sa bayan na may yaman sa amin at may mga kuwento na may kaugnayan sa kasaysayan. Wala sa hinagap na may naiingit sa panahon na yon, basta ang nakikita ko, may ngiti lagi ang bawat Pantabanganyan na aking nasasalubong.

Layunin din ng mga obrang-sining ko na sapuhin ang lahat ng aking lungkot, awa sa amin at bayan dahil sa kahirapan at himutok sa mga taong bingi at manhid na may kapangyarihang magpaunlad ng bayan. Lugar din ang obarang-sining ko ng mga larawang uhaw sa tubig at ng mga mukhang polbo ay alikabok.

Sa mga nakalipas na mga taon, masidhi ang aking hangarin na ipaloob ang katangian ng aking bayan sa aking mga obrang sining. Maaaninag ito sa mga likha kong pinta at pagsulat at taglay kahit saan mag-exhibit o magturo ng sining sa Luzon, Visayas o Mindanao hanggang sa panahon ng Modernisasyon sa Internet, sa radio at TV.

2003, Salamat nga pala sa panahong natanggap ko ang para sa akin ay pinakamataas na pagkilala bilang “Katutubong Pintor ng Pantabangan” at kilalanin ang kuwentong sa atin na ngayon nasa arko ng ating bayan.

Nagbunga nga kaya ang dalawampung taon paglunok ng hiya sa pagpapakilala ng bayan?

Ngayon ito pa rin ako, kung saan saan umaabot para magturo ng sining, sa lungsod, sa bayan at saan mang liblib na baryo. Isa man o dalawa hanggang kahit ilan ang dumalo, magsasalita pa rin, magpapakita ng pagpipinta na walang brush.

Walang katapusang panata at paglilingkod sa Maykapal.

Ako at Ikaw bilang Espiritu, isinugo ni Bathala, binigyan ng kakanyahan, binigyan ng sapat na kaluluwang may taglay na talento at katawang sapat na iyong magagamit.

Mangibabaw sana ang Espiritu natin hindi ang kaluluwa, upang higit na maging makabuluhan ang pagsusugo ng Maykapal sa atin.


 

SAMAHANG MAKASINING(Artist Club), INC.
San Jose City, Nueva Ecija, Philippines
my email: amangpintor@yahoo.com
webiste: http://www.acpfi.org
Filipino >> Powered by Aqua-Arts